
Inaasahang darating sa Pilipinas ang 15,000 doses ng injectable Lenacapavir (LEN), isang anyo ng pre-exposure prophylaxis (PrEP) na ginagamit bilang proteksyon laban sa HIV, sa ilalim ng isang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Lunes.
Ayon sa DOH, ang mga bakunang darating ay ipapamahagi nang libre sa piling HIV care facilities sa buong bansa bilang bahagi ng pinalawak na programa ng HIV prevention ng pamahalaan.
Sinabi ni DOH HIV/AIDS and STI program manager Jan Derek Junio na ang injectable PrEP ay isang mahalagang hakbang sa pag-iwas sa impeksiyon ng HIV, lalo na sa mga indibidwal na may mataas na panganib, bnigyang-diin din niya na ang HIV ay maaaring maiwasan at magamot kung maagapan.
Ang Lenacapavir o injectable PrEP ay itinuturing na isa sa mga modernong paraan ng proteksyon laban sa Human Immunodeficiency Virus (HIV), na umaatake sa immune system at nagpapahina sa kakayahan ng katawan na labanan ang mga impeksiyon.
Maaari itong maipasa sa pamamagitan ng unprotected sexual contact, paggamit ng kontaminadong karayom, blood transfusion, at mula sa ina patungo sa sanggol sa panahon ng pagbubuntis.
Sa pinakahuling datos ng DOH, naitala ang 4,277 bagong kaso ng HIV sa ikaapat na quarter ng 2025.
Karamihan sa mga kaso ay kalalakihan na may 4,038 kumpara sa 239 na kababaihan.
Pinakamataas ang bilang ng kaso sa age group na 25–34 na taon na bumubuo sa 45% ng mga bagong kaso, kasunod ang 15–24 age group na may 32%.
May naitala rin na 15 kaso sa mga pasyenteng wala pang 15 taong gulang.
Bagama’t bumaba ang bilang ng mga bagong kaso kumpara sa 5,583 na naitala noong ikatlong quarter ng 2025, patuloy na paalala ng DOH ang kahalagahan ng maagang testing, preventive measures, at access sa paggamot upang mapigilan ang pagkalat ng HIV sa bansa.

