
Muling haharap ang mga motorista sa panibagong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo matapos mag-anunsyo ang ilang kompanya ng oil price hike na epektibo noong Hunyo 9.
Ayon sa mga abiso ng mga kumpanya ng langis, tataas ng hanggang ₱5.77 kada litro ang diesel at ₱8.10 kada litro ang gaas, habang may bahagyang pagtaas na ₱0.30 kada litro sa gasolina.
Batay sa inilabas na presyo ng Seaoil, madaragdagan ng ₱5.77 kada litro ang diesel, ₱8.10 kada litro ang gaas, at ₱0.30 kada litro ang gasolina.
Nagpatupad naman ang Shell ng ₱4.85 kada litro na pagtaas sa diesel, ₱4.75 kada litro sa gaas, at ₱0.30 kada litro sa gasolina.
Samantala, ₱4.90 kada litro ang dagdag-presyo sa diesel at ₱0.30 kada litro sa gasolina ng Unioil.
Dumarating ang panibagong oil price hike isang linggo matapos ipatupad ng mga kumpanya ng langis ang malalaking bawas-presyo sa petrolyo.
Noong nakaraang linggo, umabot sa hindi bababa sa ₱4.76 kada litro ang rollback sa gasolina, ₱9.26 kada litro sa diesel, at ₱10.86 kada litro sa gaas.
Sa kabila ng pagtaas ng presyo, tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat pa rin ang suplay ng langis sa bansa.
Ayon sa ahensya, ang kasalukuyang imbentaryo ng petrolyo ay maaaring tumagal nang mahigit 47 araw batay sa kasalukuyang konsumo ng bansa.
Samantala, patuloy na inaantabayanan ng mga nasa industriya ng langis ang paggalaw ng presyo sa gitna ng patuloy na kawalang-katiyakan sa pandaigdigang merkado ng langis, kabilang ang pagkaantala ng mga usaping diplomatiko at mga suliranin sa suplay na may kaugnayan sa tensyon sa Gitnang Silangan.
Patuloy namang pinapayuhan ang mga motorista at sektor ng transportasyon na maghanda sa epekto ng panibagong dagdag-presyo, lalo na sa diesel na pangunahing ginagamit ng mga pampublikong sasakyan at logistics.

