Pagkamulat o Pagkawatak-watak?

Fevie Rose MIguel
By Fevie Rose MIguel Graphics by Dew Hanna Ferrer Copyedited by JD Daquiz June 20, 2026 at 12:00 AM

Sa panahon kung kailan isang pindot lamang ang pagitan natin sa impormasyon, mas maraming Pilipino ang nagiging mulat sa mga usaping pampolitika. 

Ngunit kasabay ng paglawak ng kamalayan ay ang paglalim din ng hidwaan. Ang pagkamulat ba ay tunay na nagbubuklod sa mamamayan o nagiging mitsa na lamang ito ng pagkakawatak-watak ng ating lipunan?

Kamakailan lamang ay naging sentro ng atensyon ng publiko ang sunod-sunod na pangyayari sa politika. Nagsimula ito noong Mayo 11, 2026, nang muling umani ng pansin ang pagdalo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Bulwagan ng Senado, kasabay ng pagkakaluklok kay Senador Alan Peter Cayetano bilang Senate President. Sinundan ito ng iba pang maiinit na usaping pampolitika, kabilang ang insidente ng putukan na iniulat sa loob ng Senado noong Mayo 13 at ang nagpapatuloy na usapin ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Dahil sa mga pangyayaring ito, lalong naging aktibo ang publiko at nagkaroon pa ng iba’t ibang komento ang mamamayan, higit lalo na ang mga kabataan.

Nakakatawang isipin na ang mga taong inihalal upang pag-isahin ang bansa ay siya pang nagiging dahilan ng pagkawatak-watak nito. Habang abala ang mga lider sa pagpapalakas ng kanilang impluwensya at kampo, naiipit ang mamamayan sa walang katapusang bangayan, at sa kanilang sistemang walang kasiguraduhan kung may patutunguhan.

Sa halip na ituon ang pansin sa mga suliraning kinahaharap ng bansa, mas nagiging sentro ng usapan ang kanilang mga hidwaan at personal na interes. Dahil dito, nababawasan ang tiwala ng publiko sa mga institusyong dapat sana’y nagsisilbi para sa kapakanan ng lahat. Patuloy na lumalalim ang pagkakahati-hati ng mamamayan habang pinipilit silang pumili ng panig sa mga usaping dapat ay pinagkakaisahan.

Hindi tayo dapat magpalamon sa anumang palabas na inilalatag ng mga nasa kapangyarihan upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga tunay na isyung dapat nilang panagutan. Walang mali sa pagiging mulat at mapanuri sa mga usaping pampolitika, ngunit hindi dapat humantong ang kamalayang ito sa pagkakahati-hati ng mamamayan. Sa halip, gamitin natin ang ating pagkamulat upang manindigan para sa katotohanan, pananagutan, at pagkakaisa ng bayan.

Ang pagkamulat ay hindi nasusukat sa pagpili ng panig, kundi sa kakayahang kilalanin ang katotohanan sa gitna ng ingay ng politika. Maging mapanuri, maging responsable, at maging instrumento ng pagkakaisa. Sapagkat sa huli, ang pagkamulat na walang pagkakaisa ay isa lamang anyo ng pagkakawatak-watak.

ABOUT THE WRITER

Fevie Rose MIguel

Fevie Rose MIguel

JourKnows Volunteer

Fevie Rose MIguel serves as a volunteer under the Opinion Desk Department

Community Discussion