
Nalaglag ang Maynila sa listahan ng 100 pinakamahusay na lungsod para sa mga estudyante matapos itong pumuwesto sa ika-102 sa QS Best Student Cities Rankings 2027, isang taunang pagraranggo ng Quacquarelli Symonds (QS).
Mula sa ika-88 na puwesto noong nakaraang taon, bumaba ng 14 na puwesto ang kabisera ng bansa sa pinakahuling ranggo.
Sa kabuuang pagtataya, nakakuha ang Maynila ng iskor na 60.1. Pinakamataas ang marka nito sa aspeto ng affordability, na tumutukoy sa pagiging mas abot-kaya ng pag-aaral at pamumuhay ng mga estudyante. Mataas din ang naging puntos nito sa employer activity, na sumasalamin sa mga oportunidad sa trabaho para sa mga nagtapos.
Sa kabilang banda, mababa ang naging marka ng lungsod sa kategoryang sumusukat sa kalidad at ranggo ng mga unibersidad, na isa sa mga pangunahing salik sa pagsusuri ng QS.
Samantala, muling nanguna ang Seoul bilang pinakamahusay na student city sa buong mundo, habang pumangalawa ang Tokyo at pumangatlo ang London.
Taun-taong inilalabas ng QS ang naturang ranggo upang suriin ang mga lungsod batay sa kalidad ng mas mataas na edukasyon, karanasan ng mga estudyante, oportunidad sa trabaho, gastos sa pag-aaral at pamumuhay, at iba pang salik na mahalaga sa pagpili ng lugar kung saan mag-aaral.

