.png.webp)
Sa ika-21 na siglo, hindi na kailangan ng baril at sandata upang sakupin ang isang bansa, ito ay natatago na lamang sa likod ng mga kasunduan, pamumuhunan, at teknolohiyang may kasamang mga kondisyong maaaring magdikta sa ating kinabukasan.
Kamakailan lamang ay umingay ang usapin tungkol sa Pax Silica, isang US-led international initiative na sinalihan ng Pilipinas noong Abril 2026. Layunin nitong palakasin ang pandaigdigang supply chain ng artificial intelligence (AI), semiconductors (microchips), at critical minerals sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga high-tech industrial hubs sa mga kasaping bansa. Sa Pilipinas, itatayo ang isang AI at semiconductor industrial hub sa New Clark City, Tarlac, bilang bahagi ng Luzon Economic Corridor.
Sa unang tingin, mistulang oportunidad ito para sa modernisasyon, paglikha ng trabaho, at pagpasok ng mga bagong pamumuhunan. Subalit kasabay ng mga pangakong ito ang mahahalagang tanong: Sino ang tunay na higit na makikinabang? Mananatili bang nasa kamay ng Pilipinas ang mahahalagang desisyon sa mga estratehikong industriyang ito, o lalo lamang tayong magiging umaasa sa mga dayuhang interes?
Maaaring microchips ang produkto ngayon at artificial intelligence ang bagong puhunan, ngunit hindi nagbabago ang tanong na bumabalot sa bawat kasunduang pinangungunahan ng mga dayuhan: kaunlaran ba ito para sa Pilipinas, o negosyo lamang para sa iba?
Sabi nga ni Heneral Luna sa pelikula, “Huwag kayong maniwala sa matatamis na salita ng mga Amerikano… Negosyo o kalayaan? Bayan o sarili?” Hanggang ngayon, nananatiling buhay ang hamong ito. Talaga bang handa nating isugal ang Pilipinas sa isang proyektong hindi pa ganap na nasusukat ang pangmatagalang epekto at ibuwis ang kinabukasan ng mga Pilipino kapalit ng mga pangakong kaunlaran? Kung tunay na pambansang interes ang ipinaglalaban, hindi dapat manaig ang matatamis na pangako ng dayuhang pamumuhunan kaysa sa ating kasarinlan, seguridad, at karapatang magpasya para sa sariling kinabukasan.
Hindi masamang maghangad ng mas moderno at maunlad na kinabukasan para sa Pilipinas. Gayunpaman, ang bawat hakbang tungo sa pag-unlad ay dapat timbangin nang mabuti. Hindi sapat na tingnan lamang ang mga pangakong pamumuhunan at teknolohiya; kailangan ding isaalang-alang ang maaaring maging epekto nito sa ating kapaligiran, likas na yaman, pambansang seguridad, at higit sa lahat, sa kapakanan ng bawat Pilipino.
Ang tunay na kaunlaran ay hindi nasusukat sa dami ng dayuhang kapital na pumapasok, kundi sa kakayahan nitong mapanatili ang ating kasarinlan at dignidad bilang isang malayang bansa. Huwag sana tayong maging sunod-sunuran sa sarili nating teritoryo. Huwag nating hayaang maulit ang mga aral ng ating madilim na nakaraan, kung saan ang matatamis na pangako ng iba ay nauwi sa pagkawala ng ating kalayaan at karapatang magpasya para sa sariling bayan.

