Opinion

Uniporme ng Hustisya’t Karahasan

Published March 2, 2026 at 12:00 AM

Pinatunayan na naman ng PNP na hindi umiiral ang batas ng ating bansa.

Kamakailan lamang, muling pumutok ang isyu ng pagpapahirap sa PNP dahil sa umano’y power tripping at hazing. Ayon sa balita, may isang policewoman at ang kaniyang anak ang pinatay, at kasunod nito, isang pulis din ang pinatay at inilibing sa septic tank.

Ngayon naman, napabalita ang isyu ng pagpapahirap o hazing sa mga bagong recruit na pulis. Sinibak na sa puwesto ang pitumpung miyembro ng Philippine National Police–Regional Mobile Battalion 14-B sa Bangsamoro Autonomous Region dahil sa malubhang pananakit sa 120 baguhang pulis sa mismong reception rites sa Lamitan City, Basilan.

Subalit nasaan ang pormal na kaso at ang tamang due process para sa mga karapatan ng isang daan at dalawampung bagong pulis?

Ang pag-aaral at pagsunod sa tuntunin ng batas ang pinakamahalagang bahagi ng pagiging isang pulis, subalit tila isinasawalang-bahala ang batas na pumoprotekta sa kanilang mga karapatan—R.A. 8049 na nagbibigay-proteksyon sa mga Pilipino laban sa hazing, batas na patuloy na nilalabag ng dapat ay nagpapairal nito.

“Hard times create strong men, strong men create good times, good times create weak men, and weak men create hard times.” Subalit para sa akin, bakit tila ang sinasabing kalakasan ay ang pagdanak ng dugo at paglalagay ng bahid sa kanilang tsapa ang nagbibigay ng lakas sa kanila?

Paulit-ulit na lamang itong nangyayari, at ang hatol ng nakararami—ito’y isang tradisyon lamang. Tradisyon ba ang pagbibigay ng matinding sikolohikal na pinsala? At sa kabila ng batas laban sa hazing, patuloy pa rin ang malademonyong pagpapahirap na ang ilan ay nahahantong pa sa kamatayan. Ang masaklap, may mga hindi nakakakuha ng hustisya.

Giit ng PNP, isolated case umano ang nangyari sa Lamitan, ngunit ganito naman lagi ang kanilang pahayag. Dapat tiyakin ng PNP na hindi na ito mauulit. Dapat tiyakin na mapaparusahan ang mga sangkot sa hazing.

𝗜𝘀𝗶𝗻𝘂𝗹𝗮𝘁 𝗻𝗶 France Palos

Community Discussion

Note: You must authorize the Giscus GitHub App on your repository for comments to load.